Kabilugan Ng Buwan
March 10th, 2010 | Posted By adminRitwal Ng Ada Sa Kabilugan Ng Buwan
Para Hikayatin Ang Enerhiya Ng Pag-ibig
Mga Kasangkapan
1 bagong hair brush
1 bagong hand mirror
1 kahon
1 maliit na botelya
Extra-virgin olive oil
Tissue paper
Bumili ng hair brush at hand mirror. Tiyakin na huwag gamitin o ipagamit sa iba upang manatiling nakalaan at reserbado sa magica.
Punuin ang maliit na botelya ng extra-virgin olive oil. Isilid sa kahon ang hair brush, hand mirror, at botelya.
Pagtatalaga Ng Mga Kasangkapan
Sa gabi ng tatlong magkasunod na kabilugan ng buwan o kaya ay sa tatlong gabi ng kabilugan ng buwan (gabi ng bisperas ng kabilugan, gabi ng mismong kabilugan, kinagabihan ng kabilugan), ilabas ang mga kasangkapan at ibabad sa liwanag ng mabilog na buwan. Isagawa ang pagbabad ng tatlong oras.
Muling itago ang mga kasangkapan sa baul, aparador, o drawer.
Tala
Ang Pagtatalaga Ng Mga Kasangkapan ay sa simula lamang gagawin at huwag nang uulitin.
Ritwal
Sa mga sumusunod na gabi ng kabilugan ng buwan, tumapat sa kabilugan ng buwan at ilabas ang mga kasangkapan.
Pagkokonsagra Sa Magica Ng Mga Kasangkapan
Magpatulo ng tig-isang maliit na patak ng extra-virgin olive oil sa mga dulo ng hintuturo at hinlalaki ng kanang kamay. Ikalat ang langis na nasa mga daliri sa kabuuan ng mga kasangkapan.
Tala
Ang Pagkokonsagra Sa Magica Ng Mga Kasangkapan ay isasagawa sa tuwing gagawin o uulitin ang isang kulam.
Orasyon
Habang isinasagawa ang pagkokonsagra, bigkasin ang sumusunod:
“Sa pamamagitan ng mga kasangkapang ito: Gigising ang pag-ibig, lalapit sa akin, Kapagnaakit, darakpin”
Hipan nang makatlo ang mga kasangkapan.
Punasan at patuyuin ng tissue paper ang mga kasangkapan. Ang tissue paper ay maaari nang itapon pagkatapos gamitin.
Sa loob ng 15 hanggang 30 minuto, marahang i-brush ang buhok samantalang nagsasalamin sa liwanag ng mabilog na buwan.
Pagkatapos, muling ibalik ang mga kasangkapan sa pinagtataguan.
Ulitin ang ritwal sa tuwing kabilugan ng buwan o hanggang sa makamit ang iniibig.
Mga Tala
Mali ang sinaunang pag-aakala na, upang ang magica ay maging matalab at mabisa, ito ay dapat isagawa ng isang birhen, o taong hindi pa nakikipag-ugnayang sekswal kaninuman. Datapwat, ang taguring “birhen” ay hindi tumutukoy sa taong nagsasagawa ng magica kundi sa kaniyang mga kasangkapan.
Ang mga kasangkapan ay pinananatiling “birhen” upang manatiling katangi-tangi sa diwa at silong ng pagkamalay nang sa gayon ay mamukod sa mga bagay at gawain na pang-araw-araw. Kung kayat kailangan sa ritwal ang “bagong” hair brush, “bagong” pocket mirror, at “extra-virgin” olive oil.
Isinasagisag ng kabilugan ng buwan ang kaganapan ng mga mithiin.
Ang bilang na 3 ay karaniwang ginagamit sa magica at tinutukoy nito ang tatlong mukha ng maliwanag na buwan (Paglaki, Kabilugan, at Pagliit, na kinikilala rin bilang Dalaga, Ina, at Hukluban).
Ang pag-ihip, o pagpapadala ng hininga, ay isang pahayag ng pagpapatotoo o pagbibigay-buhay.
Ang pag-brush ng buhok ay isang gawaing senswal na nakapagdudulot ng pagpapahalaga sa sarili.
Matatamo sa pamamagitan ng kulam na ito ang kapayapaan ng loob at pagkahinahon.

Posted in Kabilugan Ng Buwan | No Comments »
Leave a Reply