www.salamangka.com



Diwata Sa Pag-ibig

April 6th, 2010 | Posted By admin

Pakikipagkaibigan Sa Mga Diwatang Kalachuchi
Para Makamit Ang Tulong Ng Mga Diwata Sa Pag-ibig

Mga Kasangkapan
Mga bulaklak na kalachuchi
1 bagong plastic canister
4 bagong potpourri bowl
Maliit na botelya
extra-virgin olive oil
paboritong pabango

Sa ating bayan, karaniwang bahagi ng tanawin ang mga punong kalachuchi, na namumulaklak sa pagsapit ng tag-init. Ang mga punong ito ay binabahayan hindi ng mga kapre, kundi ng mga diwata. Tandaan mo sana ang mahalagang bagay na iyan: ang mga punungkahoy at bungangkahoy ay binabahayan ng kapre, samantalang ang mga punong namumulaklak, tulad ng kalachuchi, ay binabahayan naman ng diwata. Kung kayat ang mga punong kalachuchi ay binabahayan ng mga diwatang kalachuchi.

Ilan bang punong kalachuchi ang nakikita mo at nadaraanan araw-araw? Tuwing papasok ka sa paaralan o sa trabaho, halimbawa? Tuwing uuwi sa tahanan? At ilan ba sa mga ito ang marikit at kaakit-akit para sa iyo?

Pansinin mo nga. Pagkat ang mga diwata sa mga punong namumulaklak na ito ay ang mga diwata ng pag-ibig, ang pag-ibig na nais mong padulugin sa buhay mo.

Bumili ng isang plastic canister. Bumili rin ng apat na potpourri bowl, may laman o wala.

Isagawa ang Pagtatalaga Ng Mga Kasangkapan sa plastic canister at apat na potpourri bowl.

Sa ibang araw, mag-ipon ng isang dosenang bulaklak na kalachuchi mula sa bawat punong kalachuchi na iyong kinagigiliwan. Ang mga bulaklak ay kailangang pitasin mula sa mga sanga sa halip na pulutin sa mga pinaglaglagan. Kayat mainam na humingi muna ng pahintulot sa mga nagmamamay-ari, at ang mga bulaklak ay huwag nakawin! Magpasalamat nang tahimik sa mga diwata at sa kalikasan.

Isilid sa plastic canister ang mga bulaklak, at saka patuyuin.

Sa susunod na kabilugan ng buwan, ilabas ang mga kasangkapan at isagawa ang Pagkokonsagra Sa Magica Ng Mga Kasangkapan. Ipamahagi ang mga tuyong bulaklak na kalachuchi sa apat na potpourri bowl. Maglagay ng isang potpourri bowl sa bawat sulok ng silid-tulugan, sa sahig man o sa patungan, at iwan doon.

Ritwal
Sa tuwing kabilugan ng buwan, ang potpourri bowl ay wisikan ng paboritong pabango.

Sa pamamagitan ng kulam na ito, ipararating sa iyo ng mga diwatang kalachuchi ang isang pag-ibig na katanggap-tanggap sa iyo.

Mga Tala
Narito ang mga katumbas na kahulugan para sa mga kulay ng mga bulaklak na kalachuchi:

Puti:
wagas at dalisay na pag-ibig katapatan kalinisan pagka-inosente

Dilaw:
pagiging makatwiran sa pag-ibig pagseseryoso malinaw na pag-iisip kalusugan ng isipan

Rosas:
matamis na pag-ibig lambingan pagkahumaling biruan galak tuwa

Pula:
dakilang pag-ibig mapusok na pag-ibig simbuyo ng damdamin

Valid XHTML 1.0 Strict Protected by Copyscape Online Plagiarism Detector salamangka - Tagalog Real Magic Spells In The Philippines For Free Arts & Craft - Top Blogs Philippines